Napili ng aming grupo ang paksang ito sapagkat ito ay lubos na kapuna-puna dahil sa malaking epekto nito sa ating kultura lalung-lalo na sa ating wika. Nag-umpisa ito sa aming obserbasyon sa paraan ng pakikipag-usap ng mga kabataan sa panahon ngayon gamit ang text messaging. Sila ay gumagamit ng iba't-ibang simbolo upang palitan ang mga patinig o katinig sa mga salita. Nakatulong din sa pagbubuo ng aming paksa ang magkakahalong reaksyon at hinaing ng mga tao tungkol sa paksang ito na nakita namin sa mga social networking sites . Karamihan sa mga nagpahayag ng kanilang reaksyon ay mga kabataan din. Ilan sa kanila ay hindi sumasangayon sapagkat para sa kanila, hindi ito pormal sapagkat nakasisira ito sa bokabularyo at sa kakayahan ng isang tao na magbaybay ng salita ng tama. Mayroon din na mga kabataan na sumasangayon sa lenggwaheng ito sapagkat para sa kanila ito ay isang paraan ng paglalagay ng arte o disenyo sa kanilang pananalita. Ang paggamit ng nasabing lengguwahe ay nakaka-apekto sa pag unlad ng ating sariling wika kaya't mahalagang bigyan natin ito ng pansin bago pa man nito tuluyang mabago ang ating wika.
Nais ng aming grupo na ipahayag ang maaring maging epekto ng lengguwaheng Jejemon sa ating kultura lalo na sa wikang Filipino. Sa pamamagitan ng aming proyekto, maipaparating naming ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pormal na istruktura ng ating sariling wika sa lahat lalo na sa mga kabataan sa panahon ngayon sapagkat sila ay madaling maimpluwensyahan ng mga bagay na sa tingin nila ay nasa uso.
- Makatulong sa suliranin ng wikang Filipino hinggil sa hindi pormal na konstruksyon at paggamit nito.
- Makapagbigay ng kontribusyon sa pagpapayaman ng ating wika sa pamamagitan ng pag-puna at pag-aksyon sa ilang mga suliraning maaring makahadlang sa pagyabong ng wikang Filipino.
- Maipakita at mapatunayan na maari din kaming makatulong bilang isang mag-aaral at indibidwal sa pagtugon sa mga suliraning kinakaharap ng ating wika sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga proyektong inihanda ng grupo.
- Mabago ang perspektibo ng mga kabataan na gumagamit ng lengguwaheng Jejemon sa tulong ng aming proyekto at mahikayat sila na muling gamitin ang tradisyunal at pormal na wikang Filipino.
No comments:
Post a Comment